Dating Olongapo City Mayor James Bong Gordon, inabswelto ng Ombudsman
Posted 7 years ago
Muli na namang kinatigan ng Office of The Ombudsman si former Olongapo City Mayor James Bong Gordon makaraang ibasura nito ang kasong katiwalian na isinampa ng kasalukuyang City Administrator ng Olongapo laban sa dating punong lungsod Enero taong 2016.
Ulat ni Lolito Go
Sa anim na pahinang desisyong inilathala ng tanggapan ng Ombudsman, iginiit nitong walang sapat na basehan upang sampahan si Gordon ng kasong paglabag sa Sec. 3 ng RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng utang sa kuryente na diumano’y napabayaan nito sa ilalim ng kanyang termino.
Matatandaang sinisisi noon si Gordon ng mga katunggali sa pulitika dahil sa paglobo ng utang sa kuryente ng PUD-Olongapo sa PSALM o Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. at sa kabiguan umano nitong mabayaran ang nasabing obligasyon.
Kinatigan din ng Ombudsman ang mga paliwanag ni Gordon ukol sa P5B utang sa kuryente. Sa paliwanag ni Gordon, ang utang sa kuryente ay sanhi ng systems loss, lumang pasilidad at palpak na records system ng PUD. Bukod pa rito ang hindi mahusay na koleksyon ng at ang 18% compounded interest na ipinapataw ng PSALM sa utang ng PUD kada buwan.
Ang mga ito ayon sa OMBUDSMAN ay hindi maaaring isisi sa dating alkalde ng Olongapo. Naniniwala rin ang OMBUDSMAN na walang maling hakbang si Gordon na naging sanhi ng paglaki ng naturang utang sa kuryente.
Sa mensaheng ipinadala ni Gordon sa SBC news malaki aniya ang kanyang pasasalamat sapagkat unti-unti nang lumulutang ang katotohanan tungkol sa mga mapanirang bintang sa kaniya ng mga kalaban sa pulitika.
Source: Subic Broadcasting Corporation @ Facebook
Image source: inquirer.net
Loading Comment