Congressional Briefing isinagawa upang tuldukan ang bangayan sa liderato ng SBMA
Posted 7 years ago
SUBIC BAY—Congressional Briefing isinagawa upang tuldukan ang bangayan sa liderato ng SBMA. Nagsagawa ng isang Congressional Briefing sa Subic Bay nitong Martes nang umaga ang ilang mga kongresista sa pamumuno ni House Speaker Pantaleon Alvarez at majority leader Rep. Rudy Farinas upang tuldukan ang sigalot sa liderato sa SBMA.
Ulat ni Lolito Ramada Go
Video by Subic Broadcasting Corporation |
Naroroon din sa pulong sina SBMA Chairman Martin Dino at SBMA Administrator Wilma Eisma sampu ng mga SBMA Directors at iba pang kawani ng naturang ahensya upang magbigay-linaw sa ilang usaping may kinalaman sa Freeport partikular sa liderato nito na nasasadlak pa rin sa kalituhan.
Kabilang sa mga mainit na tinalakay ay ang E0 340 na nalagdaan noong administrasyong Arroyo at ang RA 7227, o ang BCDA law na bumalangkas sa mga batas at panuntunan sa Subic Freeport. Magugunitang nagkaroon ng panibagong girian sa pagitan ni Dino at Eisma makaraang ilabas ni Dino ang kanyang Administrative Order no. 1 nito lang Mayo na layuning bumuo ng isang Task Force on Business and Financial Safety and Security. Bagay na tinutulan naman ni Eisma dahil aniya’y lagpas na ito sa kapangyarihan ng SBMA Chairman.
Sa panig naman ng mga kongresista, aminado si Rep. Farinas na mayroong pagkakamali sa EO 340 at hindi nito basta basta mababali ang RA 7227 na nagsasaad na ang SBMA Administrator ang itinatalaga ng pangulo at magiging ex officio Chairman ng Board of Directors.
Sa panayam ng SBC News kay SBMA Chairman Martin Dino sinabi nitong hindi sya nangangamba na matanggal sa pwesto at hangad nya ang pananaig ng batas sa naturang isyu. Hindi rin umano sya kapit-tuko sa pwesto at igagalang nya ang magiging desisyon ng pangulo.
Sa panig naman ni SBMA Administrator Eisma, sinabi nitong hangad nya na maresolba na rin ang naturang isyu iginiit nito ang kanyang kwalipikasyon bilang isang professional manager at sa huli ay itinaas ang kongreso ang isang Status Quo order sa SBMA. Ibig sabihin nito, wala munang maaring pirmahang mga kontrata o anumang transaksyon sina Eisma at Dino hangga’t hindi nabibigyan ng legal na remedyo ang kanilang tunggalian.
Nakatakda namang i-resume ang pulong sa kongreso sa darating Huwebes kaugnay pa rin ng naturang isyu.
First Published: Subic Broadcasting Corporation @ Facebook
Loading Comment