SSS, nagsagawa ng press briefing sa Subic Bay
Posted 7 years ago
Dinaluhan ng mahigit sa dalawampung miyembro ng local at national media ang press briefing na ipinatawag ng Social Security System sa pamamagitan ng Philippine Information Agency Region 3 Martes ng hapon sa Subic Bay Freeport.
Ulat ni Lolito Ramada Go
Pinangunahan ni SSS Chairman Amado Valdez ang pag-uulat sa mga nagawa at sa mga gagawin pa ng SSS sa ilalim ng kanyang pamunuan. Sinimulan nito ang kanyang talumpati sa pagsasabing ang SSS ay maihahalintulad sa karakter na si Robinhood na kumukuha mula sa mayayaman upang ibahagi sa mga maralita.Kasama rin ni Valdez sina SSS Olongapo Branch Head Marilou Santos at SSS Central Luzon OIC Gloria Corazon Andrada.
Ilan sa mga naitanong sa naturang press briefing ay kung may kapangyarihan ba ang naturang ahensya na magsampa ng kaso o kailangan pang tumungo ang mga nagrereklamo sa DOLE kaugnay ng hinaing ng ilang empleyado sa SBMA na diumano’y dinadaya ng kanilang employers. May mga sumbong diumano kasi na hindi naireremit sa SSS ang mga ikinakaltas sa sahod ng mga manggagawa.Mabilis naman itong tinugunan ni Valdez sa pagsasabing marami na umano silang naipakulong kaugnay ng mga katulad na sumbong.
Pinasalamatan din nito ang media at hiniling ang patuloy na kooperasyon upang higit na mabantayan ang interes ng mga empleyado. Tinalakay din ang pagkakaroon ng general membership para sa mga informal sector, sa mga artist, kasapi ng media at iba pang sektor ng lipunan. Kabilang naman sa huling tinalakay ang mga hakbang upang mas mapabilis ang claiming process at ang pagre-release ng mga SSS card. Ayon kay Valdez susi umano ang modernisasyon at ang ginagawa nilang upgrading sa kanilang electronic system.
First Published: Subic Broadcasting Corporation @ Facebook
Loading Comment