Hinaing ng mga empleyado ng Hanjin, idinaan sa kilos-protesta
Posted 7 years ago
Alas otso ng umaga nitong Biyernes nang magsimulang magmartsa ang ilang mga lider-manggagawa ng Hanjin patungong tanggapan ng DOLE Zambales upang ipahayag ang kanilang mga hinaing sa pamunuan ng naturang shipyard company partikular sa mga paglabag umano nito sa karapatang-pantao at karapatan ng mga manggagawa.
Ulat ni Lolito Go
Kasama ang AMAPO o ang Alyansa ng Manggagawang Pilipinong Organisado, ito na ang ikatlong pagkakataon na nagtungo ang grupo sa DOLE upang siguruhing umusad na ang kanilang petisyon para sa certification election na nakatakda namang isagawa sa katapusan ng Agosto. Kailangan ang certification election upang mapagtibay ang pagkakaroon ng unyon sa loob ng kumpanya na sya namang sisiguro sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawa.
Samantala, kabilang sa mga nagsipagmartsa ay ang mga dati at kasalukuyang empleyado ng Hanjin na nakaranas umano ng sexual harassment at forced labor at iba pang unfair labor practices.
Ang Hanjin Heavy Industries Corporation Philippines ay ang pinakamalaking shipyard sa bansa at pang-apat naman sa pinakamalaki sa mundo.
Matatandaang ilang beses na ring nasadlak sa kontrobersiya ang naturang kumpanya dahil sa pang-aabuso umano ng mga Korean employers sa mga trabahante nito na nakuhanan pa ng camera at naging viral sa social media.
Nakatakdang ituloy sa Martes sa susunod na linggo ang ilan pang usapin tulad ng magiging venue para sa isasagawang certification election.
First Published: Subic Broadcasting Corporation @ Facebook
Loading Comment