ALAMIN: Mga estudyanteng kailangang mag-early registration ayon sa DepEd
Posted 6 years ago
![]() |
Photo Credit: Yahoo News
Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang at guardian ng mga estudyanteng papasok ng public schools na simula na ang early registration sa Sabado.
Ang mga kailangan magpa-early registration ay mga estudyanteng papasok ng kindergarten, grade 1, 7, at 11 dahil kailangan daw malaman ng DepEd kung sino-sino ang mga bagong estudyante.
“Kasi kailangan na naming mag-estimate, for example sa budget… This is also in preparation ng ating mga schools on the ground, division superintendent, and regional directors kasi nabubulaga tayo na maraming mga bata,” paliwanag ni DepEd undersecretary Annalyn Aevilla.
Tinatayang nasa 1 milyon ang papasok ng kindergarten, at 1.5 milyon naman sa senior high school sa darating na school year. Tatagal ang early registration hanggang Pebrero 25.
“One month po ‘yan sa mga eskuwelahan, meron po tayo doong registration desks,” dagdag ni Sevilla.
Ang mga estudyanteng papasok naman sa grade 2 hanggang 6, grade 8 hanggang 10, at grade 12 ay hindi na kailangang magpalista sa early registration.
Ilang guro naghahanda na
Habang abala sa pagtuturo, paghahanda ng lesson plan, at pag-eencode ng grades, nagkabit na rin ng tarpaulin, poster, at nag-house-to-house pa ang mga guro ng Balingasa Elementary School para ikampanya ang early registration.
“We conduct po mapping, pumupunta po kami sa mga bahay-bahay, tinitingnan po namin ang mga bata. We give them flyers… Meron din po kaming awareness campaign,” paliwanag ni Mirahlyn Jucom, guro sa naturang paaralan.
Kaya si Helen Fernandez, plano nang ipalista ang kaniyang mga alaga sa Sabado, lalo na ‘yung isa na papasok na sa kindergarten.
“Para di mawala ang pangalan nila sa eskuwelahan, para pagpasok nila may pangalan na po sila sa school,” aniya.
Ang kailangan lang dalhin ay ang birth certificate, partikular na sa kindergarten, dahil dapat limang taong gulang ang bata bago mag-Agosto 31, 2019. Kailangan din dalhin ang report card para sa ibang grade level.
Plano ng DepEd na suyurin at hanapin ang mga street children, out of school youth, pati na rin ang mga matatanda na gusto paring mag-aral, na bumalik eskuwela sa ilalim ng alternative learning system.
Source: news.abs-cbn.com
Loading Comment