Site icon

Biktima ng pananaksak sa loob ng Subic Freeport, nagpaunlak ng panayam sa SBC NEWS


Himalang nakaligtas sa brutal na pananaksak ang 29-anyos na dental assistant na itatago na lang natin sa alyas na Barbie. Mahigit sa sampung saksak sa iba’t ibang bahagi ang tinamo ng biktima mula sa suspek na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikilala ng mga otoridad.

Ulat ni Lolito Go

Himalang nakaligtas sa brutal na pananaksak ang 29-anyos na dental assistant na itatago na lang natin sa alyas na Barbie. Mahigit sa sampung saksak sa iba’t ibang bahagi ang tinamo ng biktima mula sa suspek na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikilala ng mga otoridad.
Ilang araw ding naratay sa ospital ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa leeg, sa batok at sa tagiliran. Aniya, maging sya ay hindi makapaniwala na makakaligtas pa sya sa insidente matapos makita ang sariling dugo na naglalawa sa paligid ng clinic.

Sa eksklusibong panayam ng SBC news sa biktima, idinetalye nito ang mga nangyari noong ika-26 ng Agosto sa loob ng pinapasukan nitong dental clinic sa loob ng Subic Bay Freeport Zone. Ramdam kay Barbie ang takot at ang trauma habang ikinukwento ang malagim na sinapit sa kamay ng suspek na aniya ay tila lango sa ipinagbabawal na gamot.

Hirap ding magsalita ang biktima dahil nakagat umano nito ang sariling dila nang tangkain nyang sumigaw habang inuumpog ng suspek ang kanyang ulo.

Kwento ni Barbie, hindi umano nya inakalang masamang tao pala ang pinatuloy nya noong hapon ng Sabado habang mag-isa sya sa clinic at dapat sana’y magliligpit na lamang ng mga gamit. Nagpanggap umanong kustomer ang suspek at nang makatyempo, agad nitong kinabig sa baywang ang biktima, binalibag at inundayan ng mga saksak.

Samantala, sa paunang imbestigasyong nakalap ng SBC News mula sa OCPO Station 3, lumalabas na papasok sana ng clinic ang saksing si Jinky upang bisitahin ang kaibigang si Barbie nang makita nya ang duguang katawan nito na dahan-dahang lumalabas ng pintuan. Agad na tumawag ng tulong ang saksi at naisugod kaagad ng mga tauhan ng SBMA LED sa ospital ang biktima. Tinitignan na ngayon ng mga otoridad ang anggulong pagnanakaw dahil umano sa ilang gamit na nawawala kabilang na ang cellphone at wallet ng biktima. Samantala kamakailan lang ay natagpuan naman sa Brgy. Gordon Heights ang wallet ni Barbie subalit wala na roon ang kanyang ATM card.

Sa ngayon ay blangko pa rin ang mga otoridad sa motibo at pagkakakilanlan ng suspek. Ang tanging pinanghahawakan ngayon ay ang salaysay ng saksi na namataan umano ang isang lalaking nakasuot ng green na tshirt at itim na pantalon na huling lumabas sa naturang klinika noong mga panahong iyon. Sinisisi naman ng ilang mga saksi ang kawalan ng CCTV sa establisimento at sa paligid nito. Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang follow-up investigation ng Olongapo City Police at ng LED ng SBMA.

Nagpapasalamat naman si Barbie sa aniya’y maituturing niyang ikalawang buhay. Umaasa rin sya na sumuko ang suspek at panagutan ang ginawa nito.


Source: Subic Broadcasting Corporation @ Facebook

Exit mobile version