Nag-uwi ang Philippine Taekwondo Team, kabilang ang isang walong taong gulang na bata mula sa lungsod ng Olongapo, ng mga medalya sa katatapos lamang na 11th World Taekwondo Cultural Exposition sa South Korea.
Photo credit: Mr. Norman Tuzon |
Ang pride ng Olongapo na si Akian Tuzon ay nakasungkit ng dalawang gold medal at isang silver medal sa iba’t ibang kategorya ng kompetisyon. Si Akian ang natatanging pambato ng Olongapo City na kabilang sa team Philippines na lumahok sa nasabing kompetisyon.
Nagwagi siya ng 2 gold medals sa Poomsae at Kyorugi at silver medalist naman siya sa cultural presentation. Si Akian ay anak nina Eliza at Norman Tuzon at kasalukuyang siyang nasa 4th grade sa Quiz Bee School sa loob ng Subic Bay Freeport.
Bilang bahagi ng cultural presentation sa naturang paligsahan, si Akian ay nagpamalas ng isang Igorot dance kasama ang kanyang inang si Eliza. Ayon sa kanyang amang si Norman, ito unang sabak ng bata sa isang international Taekwondo competition subalit madalas na umanong sumali at magwagi si Akian sa mga kompetisyon sa Pilipinas.
Dumating sa bansa si Akian kahapon mula sa naturang kumpetisyon sa South Korea.Samantala, nagwagi din ang coach ni Akian na si Pablo Calatong Jr. ng silver medal sa Poomsae Event.
Nagsimula ang 11th World Taekwondo Cultural Exposition noong July 13 at natapos kahapon at ito ay ginanap sa Muju, South Korea.
Kabilang din sa mga nag-uwi ng mga medalya ang mga kinatawan ng Roxas City at lalawigan ng Capiz. Ilan pa sa mga kategoryang pinagwagian ng team Philippines ay ang blue belt division, under 16 division, at red belt division.
Labing-isang taon nang ginanagap ang naturang kompetisyon na nilalahukan ng iba’t ibang mga taekwondo champions mula sa iba’t ibang bansa.
Source: facebook.com